PASONG TIRAD: ELEMENTO NG PERLAS NG SILANGAN
Kilala sa bansag na "Perlas ng Silangan" ang Pilipinas mula sa angking kariktang tinataglay nito. Kabilang sa mga bansang nakapaloob sa kontinenteng Asya, binubuo ito ng 7,107 kapuluang napalilibutan ng saganang likas na yaman - sapat hindi lamang upang tugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan nito kundi pati na rin palutangin ang kagandahang hindi aasahan ng kahit sino. Nais mo bang makilala ang kahit isa man lamang sa mga lugar na nakapaloob sa bansang ito? Hayaan mong ipakilala ang Pasong Tirad, isa sa mga makasaysayang pook sa bansang Pilipinas.
Ang Pasong Tirad o kilala sa wikang Ingles bilang Tirad Pass ay matatagpuan sa bayan ng Concepcion (Gregorio del Pilar ngayon), Ilocos Sur na siya namang nasa dakong kanluran ng Cordillera sa malaking kapuluan ng Luzon. Isa itong makitid na lagusan sa Bundok Tirad na bahagi naman ng nasabing bayan na kinaroroonan nito. May taas itong 1300 metro na siyang natatakpan ng mga ulap tuwing maulan ang panahon.
Sa kadahilanang matarik ito, hindi masisilayan ang mga nakatuntong sa ibabaw nito ng sinumang paakyat. Ito ang nagsilbing dahilan upang maging makasaysayan ang Pasong Tirad. Ang estratehiko nitong posisyon ang nagtulak kay Heneral Gregorio del Pilar (ang naatasan upang patakasin ang Pangulong Emilio Aguinaldo patungong hilaga), upang piliin ito para harangin at gulatin ang tropa ng mga Amerikanong nais tugisin si Aguinaldo. Naatasan ang 59 piling kawal ni del Pilar na humukay ng tatlong lebel sa paso. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng pagkakataon upang hadlangan ang mga paakyat na kalaban gamit ang pagbaril at paghagis ng mga bato.
Noong Disyembre 2, 1899, ginulat nina Del Pilar si Major Peyton C. March kasama ang 500 sundalong Amerikano na bahagi ng hukbong pinamumunuan nito. Dahil mismo sa katarikan at kasikipan ng Pasong Tirad ay nahirapan ang mga Amerikano na matalo sina Heneral del Pilar.
Ngunit, sa kasamaang-palad, ibinunyag ng isang Igorot na nagngangalang Januario Galut ang natatanging lagusan tungo sa itaas ng Pasong Tirad na sa mismong likuran nina del Pilar, sa mga Amerikano. Nagsilibing alas ang pagtimbreng ito upang masalakay ng puwersa ng kalaban ang mga Pilipino gamit ang nasabing daan. Makalipas ang ilang oras, halos naubos ang puwersang Pilipino at marami ang nasawi kabilang ang pinuno, si Heneral Gregorio del Pilar.
Ang Labanan sa Pasong Tirad na kilala rin bilang "The Philippine Thermophylae," ay nagdulot ng pagkapanalo ng mga Pilipino sa larangan ng estratehiya at pagkapanalo ng mga Amerikano sa larangan naman ng taktika. Bagama't sa pamamagitan nito ay nakitil ang buhay ni Heneral Gregorio del Pilar, saksi pa rin ang Pasong Tirad sa kagitingan ng heneral upang matagumpay na mapatakas si Pangulong Emilio Aguinaldo nang hindi napipigilan ng hukbong Amerikano.
Ang Pasong Tirad, bagama't masisilayan na lamang sa ilang pahina ng mga aklat pangkasaysayan at mamumutawi na lamang sa labi bilang salaysay ang mga pangyayaring naganap dito na nakatulong upang humubog sa ating kasaysayan, ay magsisilbi hindi lamang bilang isa sa mga bumubuo sa bansang Pilipinas kundi isang lugar na habambuhay na mananatiling makasaysayan at hindi malilimutan ng sinumang Pilipino...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento